Daquioag hinugot ng Talk ‘N Text
MANILA, Philippines — Patuloy ang pagbalasa ng Talk ‘N Text sa kampo nito para sa misyong mawakasan na ang championship drought nito.
Muling nagdagdag ng piyesa ang KaTropa, sa pagkakataong ito ay sa katauhan ni Ed Daquioag mula sa Rain or Shine, ayon sa inaprubahang trade ng PBA kahapon.
Bilang kapalit, pinakawalan ng TNT ang tatlong future second round picks nito. Ito ay ang kanilang sari-ling pick sa 2020, pick na galing sa Northport sa 2021 at pick na galing sa San Miguel sa 2022.
Si Daquioag ang magiging pina-kabagong armas ng TNT matapos ang trade kay Simon Enciso noong nakaraang linggo lamang.
Nakuha ng KaTropa si Enciso mula sa Alaska kapalit si Mike DiGregorio.
Matatandaang noong Governors’ Cup ay sunud-sunod din ang naging trade ng TNT. Pinakamalaki rito ang pagkuha nila kay Ray Parks Jr. kapalit nina Don Trollano, Anthony Semerad at future first round pick.
Noong 2015 Commissioner’s Cup huling nagkampeon ang KaTropa at kagagaling lang sa masakit na semis exit sa idinaraos na 2019-2020 PBA Governors’ Cup.
Sa pagdating ng tirador na si Daquioag, inaasahang lalakas ang puwersa ng KaTropa papasok sa 2020 Philippine Cup na magbubukas na sa Marso 1.
Produkto ng UST, napili bilang bahagi ng PBA special draft para sa Gilas Pilipinas cadets si Daquioag noong 2016.
Meralco ang sumikwat sa serbsiyo ni Daquioag subalit na-trade rin siya sa Rain or Shine sa sumunod na taon kapalit ni Mike Tolomia.
Naging malaking bahagi si Daquioag ng Elasto Painters buhat noon kasama ang iba pang young guns na sina Javee Mocon at Rey Nambatac.
Sa KaTropa, makakasama niya sa backcourt sina Jayson Castro, RR Pogoy at Enciso.
- Latest