UST Tigers nangunguna sa UAAP overall champion race
MANILA, Philippines — Sa pagpasok ng 2020, asahan ang mas matinding pukpukan para sa karera sa general championship ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP) Season 82.
Magiging abala ang mga kalahok na eskuwelahan ng UAAP dahil siyam na events pa ang pag-lalabanan kabilang na ang inaabangang men at women’s volleyball na papalo sa Pebrero.
Ipagtatanggol ng Ateneo de Manila University ang korona sa women’s class habang dedepensa-han naman ng National University ang kampeo-nato sa men’s category.
Masisilayan din ang tennis, track and field at fencing gayundin ang judo, baseball, softball, football at 3x3 basketball.
Sa kasalukuyan ay dikitan ang laban sa general championship race.
Nasa unahan ang University of Santo Tomas na sumungkit na ng apat na ginto apat na pilak at tatlong tansong medalya para makalikom ng 166 puntos.
Nakadikit sa ikalawa ang De La Salle University na may 143 puntos tampok ang isang ginto, limang pilak at apat na tanso habang nasa ikatlo naman ang Ateneo na may apat na ginto, dalawang pilak at isang tanso tangan ang 123 puntos.
Ikaapat ang NU na may 117 puntos tangan ang apat na ginto, dalawang pilak at dalawang tanso kabuntot ang University of the Philippines (103 points), Far Eastern University (94 points), Adamson University (49 points) at University of the East (42 points).
Inangkin ng UST ang korona sa men’s at wo-men’s beach volleyball events gayundin sa men’s at women’s table tennis habang may second-place ito sa women’s taekwondo, men’s chess, at men’s at women’s basketball.
Pumangatlo ang UST sa men’s swimming, women’s chess at men’s taekwondo.
Sa kabilang banda, namayagpag ang La Salle sa taekwondo poomsae habang may limang pilak ito mula sa women’s beach volleyball, men’s swimming, women’s chess, women’s badminton at men’s taekwondo.
Nakuha naman ng Blue Eagles ang titulo sa men’s at women’s swimming, women’s badminton at men’s basketball, at runner-up sa men’s badminton at women’s table tennis.
Sakmal sakmal ng Bulldogs ang korona sa men’s at women’s taekwondo, men’s badminton at ang huli ang women’s basketball samantalang runner-up ang NU sa taekwondo poomsae at men’s table tennis, at bronze naman sa men’s beach volleyball at women’s badminton.
- Latest