Chris Lutz babalik sa PBA?
MANILA, Philippines — Posibleng magbalik sa PBA ang dating super scorer na si Chris Lutz ayon sa mga ulat matapos ang dalawang taong pagkawala sa pro-league.
Kamakailan lang ay bumisita sa bansa ang 34-anyos na beterano upang makasama ang matalik na kaibigan at long-time teammate na si Marcio Lassiter.
Bagama’t family matters lang aniya ang pinunta dito, nagmitsa pa rin ang kanyang Philippine visit sa posibleng PBA return ayon sa agent nitong si Marvin Espiritu.
Miyembro si Lutz ng original na Gilas Pilipinas program kasama si Lassiter. Napili siya bilang third overall pick ng Petron (San Miguel ngayon) noong 2011 PBA Rookie Draft.
Naging PBA All Star si Lutz noong 2012 bilang isa sa rising stars ng liga kasama ang iba pang Gilas Pilipinas teammates.
Malaking bahagi ang Marshall U product na si Lutz ng SMB lalo na noong 2016 kung kailan tumulong siya sa Beermen na makumpleto ang “Beeracle” kontra sa Alaska mula sa 0-3 na pagkakaiwan sa Philippine Cup finals.
Subalit nadale siya ng sunud-sunod na injuries sa foot, ankle at back upang malimitahan ang aksyon sa kampo ng Beermen.
Napunta siya sa free agency noong 2017 at kinuha ng Meralco subalit hindi pa rin nakakapaglaro maski isang laro doon.
Ang Bolts pa rin ang may rights kay Lutz.
Sa ngayon, wala pang kasiguruhan ang pagbabalik ni Lutz dahil ‘di pa malinaw kung nakarecover na nga siya sa kanyang mga injuries.
- Latest