Ancajas pumupuntirya ng unification fight sa 2020
MANILA, Philippines — Target ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas ang unification bout sa susunod na taon upang mas lalo pang magningning ang kanyang pangalan.
Kaya naman nakahilera na ang mga bigating boksingerong posibleng makalaban niya.
“Gusto ko ng unification fight,” ani Ancajas.
Nangunguna sa listahan ni Ancajas si reigning World Boxing Council (WBC) super flyweight titlist Juan Francisco Estrada na armado ng 40-3 rekord tampok ang 27 knockouts.
Galing si Estrada sa impresibong ninth-round technical knockout win laban kay Dewayne Beamon ng Amerika noong Agosto 24 para mapanatiling suot ang kanyang WBC crown sa labang ginanap sa Hermosillo, Sonora sa Mexico.
Kasama rin sa listahan ni Ancajas sina undefeated World Boxing Association (WBA) super flyweight winner Khalid Yafai (26-0, 15 KOs) at World Boxing Organization (WBO) super flyweight king Kazuto Ioka (24-2, 14 KOs).
Anim na beses nang naipagtanggol ni Yafai ang kanyang WBA title kabilang ang huli niyang panalo laban kay Norbelto Jimenez ng Dominican Republic via unanimous decision noong Hunyo 29 sa Rhose Island.
Sa kabilang banda, si Ioka ang tumalo kay Aston Palicte noong Hunyo via 10th-round knockout win sa Chiba, Japan para makuha ang WBO belt.
Nakatakdang ipagtanggol ni Ioka ang kanyang korona laban kay Jeyvier Cintron ng Puerto Rico sa Disyembre 31 sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Kung maikakasa ang anumang laban sa mga nabanggit na kandidato ay tiyak na mas malaking prize purse ang matatanggap ni Ancajas.
Nagmula si Ancajas sa sixth round technical knockout victory kay challenger Miguel Gonzalez ng Chile noong Disyembre 7 sa Puebla, Mexico para mapaganda ang kanyang rekord sa 32-1-2 kasama ang 22 knockouts.
Ngunit kung si matchmaker Sean Gibbons ang tatanungin ay mas nais niyang makalaban ni Ancajas si Estrada.
“The idea is to move forward to make the fight with Estrada. That’s what we want,” ani Gibbons.
- Latest