Biado babandera sa kampanya ng Pilipinas sa World 9-Ball
MANILA, Philippines — Limang matitikas na cue masters ang ipaparada ng Pilipinas sa prestihiyosong 2019 World 9-Ball Championship na lalarga ngayong araw sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar.
Mangunguna sa kampanya ng Pilipinas si dating world champion Carlo Biado na gigil na mabawi ang korona na nahawakan niya noong 2017 edisyon ng torneo.
Bigong maipagtanggol ni Biado ang titulo noong nakaraang taon nang yumukod kay Joshua Filler ng Germany sa finals sa iskor na 10-13.
Makakasama ni Biado sina Johann Chua, Jeffrey Ignacio, Jerico Bonus at 2004 World 9-Ball titlist Filipino-Canadian Alex Pagulayan.
Ibubuhos nina Biado, Chua at Ignacio ang kanilang ngitngit matapos mabigong makasungkit ng gintong medalya sa nakaraang 30th Southeast Asian Games.
Nagkasya lamang sa tanso sina Biado at Chua sa men’s 9-ball pool doubles at tanso rin sina Ignacio at Warren Kiamco sa parehong event.
Hindi rin nadepensahan ni Biado ang kanyang men’s 9-ball pool singles crown na napanalunan noong 2017 edisyon sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Kaya mas determinado ang Pinoy squad na makabawi sa World 9-Ball event na lalahukan ng 96 matitikas na manlalaro.
- Latest