3-gold medals lahat sa Philippine soft tennis
MANILA, Philippines – Magarbong tinapos ng Pinoy netters ang kampanya nito matapos iselyo ang gintong medalya sa men’s team event sa 2019 Southeast Asian Games soft tennis competitions kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center sa Malate, Manila.
Pinataob ng Pilipinas ang Thailand sa bisa ng 2-1 desisyon sa gold-medal match.
Malamya ang simula ng Pinoy squad nang matalo sina Noel Damian Jr. at Mark Anthony Alcoseba sa doubles event laban kina Sakan Thansiriroj at Thanarit Surarak sa iskor na 3-5.
Subalit rumesbak ang host country makaraang patumbahin ni Joseph Arcilla si Kawin Yannarit, 4-1, sa singles para maitabla ang serye sa 1-1.
Hindi hinayaan ng Pinoy netters na humulagpos pa ang ginto makaraang magsanib-puwersa sina Mikoff Manduriao at Dheo Talatayod para gapiin sina Teerapat Sujaritplee at Torlarp Songweera, 5-3, sa second doubles para matamis na kunin ang panalo.
Ito ang ikatlong ginto ng soft tennis team matapos manalo ng ginto sa women’s singles at women’s sina Bien Zoleta at Bambi Zoleta.
- Latest