Jake Pascual sa Phoenix
MANILA, Philippines – Bilang paghahanda sa 2020 PBA season, ay kukunin ng Phoenix Fuel Masters ang serbisyo ni Jake Pascual mula sa Alaska Aces kapalit ng draft pick sa susunod na taon.
Ibinigay ng Fuel Masters ang 2020 second-round draft sa Aces bilang kapalit ni Pascual na inaasahang magdedeliber sa tropa para punan ang puwestong iniwan ni Doug Kramer na kamakailan lang ay nagretiro.
Hindi man naging maganda ang laro ni Pascual ngayong 2019 PBA Governors’ Cup dahil sa limitadong playing time na nagresulta sa pag-a-average nito ng 1.3 points at 1.3 rebounds, magiging malaking dagdag pa rin siya sa puwersa ng Phoenix.
Muling makakasama ng 31-anyos na power forward mula sa San Beda College ang mga naging kakampi nito sa Alaska na sina Calvin Abueva, Davon Potts at RJ Jazul.
Inaprubahan ng PBA Commissioner’s Office ang nasabing trade kahapon. Bukod dito, may isa pang nilulutong trade bago magbukas ang ika-45 season ng professional league sa bansa.
Kasalukuyang nasa opisina pa ng league Commissioner ang trade sa pagitan ni Jackson Corpuz ng Columbian Dyip at Aldrech Ramos ng Magnolia Hotshots.
Ibabato ng Dyip ang defensive player nito na si Corpuz sa Hotshots kapalit ng batikang manlalaro na si Ramos bilang panapal sa pagkawala ni JayR Reyes.
Si Ramos naman ay two-time PBA champions noong 2013 Commissioner’s Cup at 2018 Governors’ Cup. Naging bahagi rin siya ng Mahindra noong 2016 bago siya ibato sa Magnolia sa kaparehong taon.
- Latest