MPBA, iba pang liga pahinga muna
MANILA, Philippines — Para sa bayan, magpapahinga muna ang iba’t ibang liga sa pangunguna ng Philippine Basketball Association (PBA) ng mahigit dalawang linggo upang bigyan daan ang hosting ng bansa ng 30th Southeast Asian Games na pormal ng bubuksan sa Sabado sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Natapos ang quarterfinal action sa PBA kamakalawa kung saan kinumpleto ng Northport ang cast ng semifinals na sisimulan sa Dec. 13 dalawang araw pagkatapos ng SEA Games.
Magpapahinga rin ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL), Asean Basketball League kung saan kasali ang San Miguel Beer-Alab Pilipinas at National Basketball League (NBL).
Gayunpaman, tuloy pa rin ang nakatakdang 2019 PBA Rookie Draft sa alas-4 ng hapon sa Disyembre 8 sa Robinson’s Place ng Manila.
Mahigit 17 araw din ang pahinga ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Cup dahil pagkatapos ng laro ng Davao Occidental Tigers at Imus Bandera at San Juan Knights kontra sa Manila Stars ngayong araw sa El Salvador City Gym sa Misamis Oriental, magpapatuloy ang mga laro ng home-and-away league sa Disyembre 16 sa Imus City Sports Complex.
Ang huling laro ng San Miguel Beer-Alab Pilipinas ay noong Miyerkules kung saan nagwagi ang Pinoy team laban sa Macau Wolf Warriors, 114-110 via overtime at magpapahinga ng 18 araw bago muling sumabak kontra sa Singapore Slingers sa Disyembre 15 sa Sta. Rosa Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Ipinagpaliban din ng NBL ang pagpapatuloy ng Black Arrow-President’s Cup elimination round hanggang sa Disyembre 14 sa FilOil Flyng V Arena.
- Latest