Yanson kumpiyansa sa Philippines team sa SEAG
MANILA, Philippines — Umaasa si Negros Occidental Football Association (NOFA) president Ricky Yanson na kakayanin ng Philippine national football team na makalusot semifinals match ng 30th Southeast Asian Games.
Matapos ang 4th place finish noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur Malaysia ay naniniwala si Yanson na makakausad na ang pambansang koponan sa semis dahil sa mas malakas at mas handang line-up.
“Me, as a fan, I hope they will go to semis. I think they were prepared and had stronger line,” sabi ni Yanson sa pagbisita niya sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kamakalawa sa The Amelie Hotel sa Malate, Maynila.
Nasa Group A ng 2019 SEAGames ang Pilipinas at makakaharap ang 2017 runner-up na Malaysia, Cambodia, Myanmar, at Timor Leste, habang nasa Group B nagdedepensang Thailand kasama ang Indonesia, Vietnam, Laos, Singapore at Brunei.
Sumabak ang Nationals sa 2019 Merlion Cup noong Hunyo sa Singapore kung saan tumapos sila sa ikaapat na puwesto at sa 2019 Copa Paulino Alcantara Cup noong Oktubre at nasa ikatlo sa Group A.
Pamumunuan nina Javier Gayoso at Ivan Quano ang tropa sa football na sisipa sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10 sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila, sa Biñan Football Stadium sa Laguna at sa Imus Grandstand sa Cavite.
- Latest