Walang outsider sa SMBeer practice
MANILA, Philippines — Closed door ang naging pagsasanay ng San Miguel Beer kahapon sa Acropolis Gym sa Mandaluyong, isang araw matapos ang napaulat na kaguluhan sa kanilang kampo.
Hindi muna pinayagan ang mga fans at media na mapanood ang training ng Beermen na naghahanda para sa krusyal na laban nito kontra sa Talk ‘N Text ngayon sa huling elimination round playdate ng 2019 PBA Governors’ Cup.
Matatandaang kamakailan lang ay pumutok ang mga ulat na nagkaroon ng sigalot sa Beermen training na kinatampukan umano nina Arwind Santos, Ronald Tubid, Kelly Nabong at import Dez Wells.
Ayon sa mga balita, nagsimula ang away nang bigyan ni Santos ng hard pick si Wells sa kanilang scrimmage na ikinatumba ng import.
Bago pa man lumala ang away ay naawat na agad ang dalawa bago umeksena si Tubid na nasapak umano si Wells. Sumali na rin sa gulo si Nabong na si Tubid naman ang inasinta bago naawat ng kanilang teammates ang sigalot.
Habang isinusulat ang balita ay wala pang pahayag ang SMB management ukol sa napaulat na kaguluhan sa kanilang kampo.
Ang pinakabagong development na ito sa panig ng Beermen ay malaking dagok sa kanilang hangarin na masikwat ang ikalawang grandslam mula 1989.
Susubok ang SMB na maipagpag ang mga problemang ito sa tangkang panalo kontra sa TNT na siyang magiging basehan kung makakasikwat ba sila ng twice-to-beat advantage sa paparating na season-ending conference quarterfinals.
- Latest