Wright bumida sa Phoenix
MANILA, Philippines — Dahil pareho nang sibak ay wala nang tiket sa eight-team quarterfinal round na pinaglabanan ang Phoenix at Blackwater.
Ngunit itinuring itong mahalaga ni Matthew Wright bilang regalo sa nagretirong si 12-year veteran big man Doug Kramer.
Kumonekta si Wright ng isang three-point shot sa natitirang 1.2 segundo sa overtime para kumpletuhin ang pagbangon ng Fuel Masters sa pamamagitan ng 120-117 paglusot laban sa Blackwater Elite sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humataw si import Alonzo Gee ng 34 points, habang may 28 markers si Wright para tapusin ng Phoenix ang kanilang apat na sunod na kabiguan.
Nalasap naman ng Blackwater, nakahugot ng 37 points kay import Marqus Blakely, ang pang-anim na dikit na kamalasan at isinara ang season sa 2-9 baraha.
Mula sa hawak na one-point lead sa halftime ay itinala ng Elite ang 72-60 kalamangan sa huling 3:18 minuto ng third quarter.
Sa likod naman ng tatlong sunod na triples ni Wright, kasama ang nagtabla sa Fuel Masters sa 109-109 sa natitirang 3.1 segundo ng fourth period patungo sa extra period.
Ang 3-point play ni Roi Sumang kay Alex Mallari ang nagtabla sa Blackwater sa 117-117 sa huling 3.7 segundo ng overtime na sinundan ng game-winning triple ni Wright para sa Phoenix.
Nagdagdag si RR Garcia ng 17 points para sa Fuel Masters kasunod ang 10 markers ni Mallari.
May 25 points naman si Mac Belo sa panig ng Elite.
- Latest