Tigers hihirit ng ‘do-or-die’ sa Maroons
MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng fourth seed na University of Santo Tomas na makahirit ng ‘do-or-die’ game sa pagsagupa sa second ranked na University of the Philippines sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Maghahrap ang Growling Tigers at Fighting Maroons, may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage, ngayong alas 4 ng hapon.
Kung magwawagi ang Growling Tigers ay makakahirit pa sila ng ‘winner-take-all’ game sa Miyerkules sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.
Nanggaling ang UST sa 81-71 pagsibak sa Far Eastern University sa likod ng impresibong 25 points at 10 rebounds ni UAAP MVP Soulemane Chabi Yo parag ihatid ang koponan ni coach Aldin Ayo sa ikalawang bahagi ng stepladder semifinals.
“He’s not going to slow down, I know him personally. When he said that he wants the championship more, well, he really means it.” ani Ayo kay Chabi Yo.
Makakatuwang ni Chabi Yo sina Brent Paraiso, Rookie of the Year Mark Nonoy, guard Enzo Subido at Sherwin Concepcion para sa Growling Tigers.
Sa kabilang panig naman ay natengga ng 11 araw ang Fighting Maroons matapos masukbit ang ikalawang puwesto sa eliminasyon.
Para kay head coach Bo Perasol pabor ito para sa UP upang mapaghandaan at masuri ang kanilang makakatunggali.
“What I’m thankful of is we have time to prepare. No. 2, some of my injured players have time to recuperate, “ wika ni Perasol. “So iyon ang mas mabuti talaga na nangyari dito. We need to also re-assess what we can do better.”
Pipilitin nina Kobe Paras, Bright Akhuetie at Ricci Rivero na muling ibalik ang Diliman-based team sa UAAP Finals sa ikalawang pagkakataon.
Pinatumba ng Growling Tigers ang Fighting Maroons sa eliminasyon matapos kunin ang 85-69 panalo noong Setyembre 7 at 84-78 tagumpay noong Oktubre 16.
- Latest