Johnson, Rike umatras sa PBA Draft
MANILA, Philippines — Kumambyo sina Franky Johnson at Troy Rike para sa paparating na 2019 PBA Rookie Draft.
Humantong ang dalawang top pro-league prospects sa naturang desisyon para mailaan ang kanilang atensyon sa pagtulong sa hangarin ng Pilipinas na makabalik sa Olympics.
Regular na manlalaro ng 3x3 team sina Johnson at Rike at malaking bahagi ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 League na naging daan ng bansa para makapasok sa Top 20 na sasalang sa 2020 FIBA 3x3 Olympic Qualifying Tournament.
Nasa kunsiderasyon sina Rike at Johnson sa final line-up na ipapadala sa Marso sa 2020 sa India kung saan tatlo mula sa 20 qualified teams ang mabibigyan ng tiket papunta sa 2020 Tokyo Olympics sa Hulyo na gaganapin sa Tokyo, Japan.
Nakatakda silang maglaro sa ikalawang season ng Chooks-to-Go Pilipinas 3x3 League sa Enero bilang paghahanda para sa Olympic qualifiers.
Ang dalawa sa sigurado nang manlalaro sa 3x3 roster ay sina Joshua Munzon at Alvin Pasaol na No. 1 at No. 2 ranked 3x3 player sa bansa, ayon sa pagkakasunod.
Nauna nang nagpasa ng kanilang aplikasyon sa PBA Draft noong nakaraang lingo sina Rike at Johnson para makahabol sa deadline sa hanay ng mga Fil-Foreigners.
Bagama’t umatras ay inaasahang sasali ang dalawa sa 2020 PBA Draft.
- Latest