Blakely nangongolekta ng jersey
MANILA,Philippines — Para sa misyong masemento ang samahan ni Marqus Blakely at ng kanyang mga dating teammates sa Grand Slam champion team na San Mig Coffee (Magnolia ngayon) ay isang malaking jersey tribute ang ginagawa ng one-time PBA Best Import.
Ayon sa 31-anyos na si Blakely, paraan niya ito ng pagkilala sa mga matalik na kaibigan sa PBA.
“We can’t play this game forever, so having those type of memories and swapping jerseys like that, when you do retire knowing what that means to you, I think that’s a huge part of you,” ani Blakely.
Unang nakipagpalitan ng jersey si Blakely, import ngayon ng Blackwater sa 2019 PBA Governor’s Cup, kina Marc Pingris at PJ Simon sa simula ng buwan sa laban ng Elite at Hotshots.
Noong nakaraang linggo ay kay James Yap naman siya nakipagpalitan ng jersey matapos ang duwelo ng Blackwater at Rain or Shine.
Pero hindi pa tapos si Blakely na umaasang makakapalitan naman niya ng uniporme ang isa sa malapit na kaibigang si Joe Devance sa laban ng Ginebra at Blackwater sa Miyerkules sa Cuneta Astrodome.
“Probably, I’ll do it again with Joe,” ani Blakely. “We all have different relationships, but we’re all brothers when it comes down to it. That’s just how we are, whether were on different teams or not. Still, it’s something that we respect.”
Bago magkahiwa-hiwalay ng landas ay ilang beses naging magkakasama noon sa San Mig Coffee ni coach Tim Cone sina Simon, Pingris, Yap at Devance na kinatampukan ng kanilang Grand Slam championship noong 2014.
- Latest