Marestella bumida sa test event
Capas, Tarlac, Philippines — Inangkin ni Marestella Torres-Sunang ang gintong medalya matapos lumundag ng 6.2 metro sa kanyang fourth attempt sa women’s long jump ng Southeast Asian Games athletics test event dito sa New Clark City Athletics Stadium.
Tinalo ni Torres-Sunang sina Thai bet Parinya Chuaimaroeng (6.17m) at Vietnamese standout Thi Ngoc Ha Vu (6.02 meters) para sa gold medal.
Puntirya ni Torres-Sunang na makuha ang 6.45m na naitala niya sa pagpitas sa bronze medal noong 2017 SEA Games.
“Nag-practice na ako dito. Pero this time, may mga foreigners,” wika ni Torres-Sunang, itinala ang national record na 6.72m sa pagkuwalipika niya sa Olympic Games noong 2016.
Samantala, inangkin naman ni defending women’s discus throw champion Insaeng Subenrat ng Thailand ang gintong medalya sa paghagis ng 56.99m.
Tinabunan ni Subenrat ang dati niyang 55.23m para sa gold medal noong 2017 SEA Games.
Ang nasabing two-day test event sa athletics ay inaasahang susukat sa estado ng paghahanda ng mga Filipino tracksters para sa darating na 2019 SEA Games na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Kabuuang 72-member Philippine athletics team ang lumahok sa test event katapat ang Thailand, Malaysia at Vietnam.
May 24 sa kabuuang 48 athletics events sa 2019 SEA Games ang lalaruin sa test events.
- Latest