Pagulayan umusad sa semis; Orcollo at Corteza sibak
MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na kamada ni Filipino-Canadian Alex Pagulayan nang kumana ng dalawang sunod na panalo para umusad sa semifinals ng 2019 American 14.1 Straight Pool Championships na ginaganap sa Q-Masters Billiards sa Virginia Beach, USA.
Pinataob ng 2004 World 9-Ball champion na si Pagulayan si dating world titlist Ralf Souquet sa second round sa pamamagitan ng 150-85 demolisyon bago ilampaso si Jani Siekkonen sa quarterfinals sa iskor na 150-14.
Sunod na makakaharap ni Pagulayan si Marco Teustscher sa event na may nakalaang kabuuang $42,000 premyo tampok ang $10,000 sa magkakampeon.
Ginulantang ni Teutscher sina veteran international campaigners David Alcaide sa quarterfinals (150-9) at Mika Immonen sa second round (150-32).
Namaalam naman sa kontensyon sina two-time world champion Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza matapos lumasap ng kabiguan sa second round.
Yumuko si Orcollo kay four-time World 14.4 Straight Pool titlist Thorsten Hohmann, 89-150, sa second round.
May first round bye si Orcollo.
Sa kabilang banda, nagtala muna si Corteza ng 150-96 panalo kay Petri Makkonen sa first round bago matalo kay Max Lechner sa second round (60-150).
- Latest