SMB-Alab kinuhang import si Forbes
MANILA, Philippines — Kinuha ng San Miguel Alab Pilipinas ang dating PBA import na si Adrian Forbes bilang ikalawang reinforcement nito para sa nalalapit na 2019-2020 ASEAN Basketball League (ABL) Season.
Kinumpirma ni team manager Charlie Dy ang ba-lita kahapon, isang buwan bago magbukas ang ABL sa Nobyembre 16 sa Taiwan.
Makakapares ni Forbes ang resident import ng Alab na si Renaldo Balkman para sa misyong mabawi ang ABL crown na napakawala nila matapos ang ‘di inaasahang quarterfinal exit noong nakaraang season.
Dahil sa bagong format ng ABL na papayagan ang mga koponang magparada ng hanggang tatlong imports, nakatakdang humanap pa ang Alab ng isa pang reinforcement upang lalong mapalakas ang koponan na babanderahan nina Lawrence Domingo, Brandon Rosser, Jeremiah Gray at Jason Brickman.
May taas na 6-foot-9, naglaro ng isang beses para sa NLEX Road Warriors si Forbes noong 2018 Commissioner’s Cup.
Umiskor siya ng 26 markers, 17 rebounds at limang tapal bago palitan ni Arnett Moultrie.
Naglaro na rin ang 31-anyos na beterano sa NBA G-League gayundin sa Japan at France.
Ginagabayan ni coach Jimmy Alapag, nasa Group A ang Alab kasama ang Westports Malaysia Dragons, Singapore Slingers, Mono Vampire at Saigon Heat.
- Latest