Gustong makaulit ng F2 Logistics
MANILA, Philippines — Muling magbabakbakan para sa korona ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitationals ang magkaribal na Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Cargo Movers sa winner-take-all finals sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakdang magsal-pukan ang dalawa para sa titulo ng kumpirensiya bandang alas-6 ng gabi matapos ang battle for third place sa pagitan ng Foton Tornadoes at Cignal HD Spikers sa alas-4 ng hapon.
Unang nakopo ng Blaze Spikers ang upuan sa championship nang madalian nitong dinispatsa ang Tornadoes sa kanilang knockout semifinals, 25-17, 25-14, 25-16, kamakalawa sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Sa muli nilang pagtungtong sa finals, umaasa si Petron head coach Shaq delos Santos na makabalik sila sa pedestal matapos ang naging karanasan nila sa All-Filipino Conference kung saan bigo silang makatungtong sa finals matapos igupo ng Cignal at nagkasya lamang ito sa Bronze medal nang alpasan ang Foton.
“Hopefully in God’s will, makuha namin ‘yung championship. Siyempre gusto namin maka-recover ulit, maka-bounce back talaga doon sa na-experience namin sa All-Filipino. Eto na ‘yung magandang chance na maibalik kung anong meron kami,” wika ni Delos Santos, na ipaparada uli sina Sisi Rondina, Ces Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Chloe Cortez, Angel Legacion, Rem Palma at Denden Lazaro.
Hindi naman naging madali ang pag-abante defending champions sa Finals ng torneo dahil na rin sa magandang laro na ipinamalas ng determinadong HD Spikers bago nila nakuha ang tamang tiyempo at nakuha ang 22-25, 25-22, 25-21, 25-21 na panalo. -FJ-
- Latest