Mas matindi na ang laban sa PSL Invitationals Conference semis
MANILA, Philippines — Masusubukan ang tatag at angas ng apat na natitirang tropa na magbabanggaan sa ‘do or die’ semifinals ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitationals ngayong araw sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Magtutuos sa unang semis match ang No. 1 na Petron Blaze Spikers at No. 4 na Foton Tornadoes sa alas-3 ng hapon na susundan ng bakbakan ng No. 2 na Cignal HD Spikers at No. 3 na F2 Logistics Cargo Movers sa alas-5.
Nasikwat ng Blaze Spikers ang top seeding ng torneo nang walisin nito ang two-round group stage eliminations para sa 6-0 baraha matapos padapain ang PLDT, 25-18, 25-19, 26-28, 25-19 noong Linggo habang nadagit naman ng Tornadoes ang huling semis spot nang takasan nito ang Generika-Ayala Lifesavers, 21-25, 25-17, 27-25, 19-25, 15-11.
“Hindi kami puwedeng maging satisfied kung ano ‘yung naging result kasi tapos na kami doon and importante ‘yung next na gagawin namin kasi ito ‘yung isa sa pinakamahalagang game,” sabi ni Petron coach Shaq delos Santos.
Samantala, tila isang Finals rematch ang masasaksihan sa tapatang HD Spikers at Cargo Movers na huling nagharap sa finale ng All-Filipino Conference kung saan nanaig ang F2 Logistics.
Kumpiyansa rin sa semis ang F2 Logistics matapos iposte nito ang ikalimang sunod panalo nang lunurin ang Sta. Lucia, 25-22, 25-15, 25-15, noong Linggo habang bigo naman ang Cignal sa inaasam na sweep nang talunin sila ng Petron, 11-25, 25-20, 22-25, 27-25, 14-16 noong Sabado sa Caloocan.
Ibabandera uli ng Cargo Movers sina Kalei Mau, Aby Maraño, Ara Galang, Kim Fajardo, Kim Dy at Dawn Macandili. (FJ)
- Latest