Cignal HD Spikers pasok na sa semis

MANILA, Philippines — Lusot sa knockout semifinals ng 2019 Philippine Superliga (PSL) Invitationals ang Cignal HD Spikers matapos nilang madagit ang ikalimang sunod na panalo sa liga nang lunurin ang PLDT Home Fibr Power Hitters, 25-22, 25-19, 25-20 kahapon sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Napatatag ng HD Spikers ang kanilang kapit sa solo top spot ng Pool C tangan ang 5-0 baraha upang kunin ang unang upuan sa semifinals sa kumpirensiyang ito.
Nag-init si national team member Mylene Paat nang pumalo siya ng 18 puntos, mula sa 14 attacks, 3 blocks at 1 ace para pangunahan ang tropa habang nag-ambag ng tig-13 sina Rachel Ann Daquis at Janine Navarro.
Bitbit ang 2-0 na bentahe, nakita ang pagiging kampante ng Cignal HD Spikers sa third set nang umariba ang Power Hitters at kunin nito ang 10-8 na kalamangan bago nakabawi at muling lumamang ang HD Spikers, 13-10.
Naitabla muli sa 13-all ng PLDT ang laro sa atake ni Shola Alvarez at ace ni Jasmin Nabor hanggang sa naging mahigpit ang net defense na nagtarak sa All-Filipino Conference silver medalist 22-17 na bentahe tungo sa panalo.
“Dapat ‘di kami mag-relax knowing na nakalimang panalo na kami so, ayun ‘yung dapat namin matutuhan, ‘wag kaming mag-rerelax and be consistent everytime,” wika ni Paat.
Nagrehistro ng 15 puntos si Jerilli Malabanan para sa Power Hitters na nalasap ang ikatlong talo nito sa torneo. (FJ)
- Latest