‘Di ba puwedeng mag-time-out
Nakisali si National U coach Jamike Jarin sa pag-iinarte kontra sa timeout na tinawag sa endgame ng kalaban na sure ball na ang panalo.
Nagtatalak daw si Jarin laban sa pagtawag ni La Salle consultant Jermaine Byrd ng timeout habang tangan ang 83-60 kalamangan sa last 1:23 mark ng kanilang laro noong nakaraang araw sa MOA Arena.
“It’s unwritten ethics,” ani Jarin sa bagay na paratang niya ay nilabag ng La Salle bench chieftain.
Si coach Tim Cone at coach Chot Reyes ang mga pangunahing nababastusan sa bagay na ito. Marami ng handshake na tinalikuran si Cone dahil natawagan ng timeout ng kalaban. Si Reyes naman ay sa Seville, Spain pa gumawa ng eksena dahil sa parehong pangyayari sa endgame ng laban kontra Greece noong 2014 World Championship.
Tunay na ipinaiiral ito ng mga coaches sa ibang bansa, lalo na ng mga American coaches.
Pero 1:23 remaining kabastusan mag-timeout sa tingin ni Jarin? O simpleng pikon talo?
Marami ang dahilan para mag-timeout ng ganoon pa kahaba ang natitirang oras kahit sure win na ang isang koponan.
‘Di ba puwedeng gamitin mo naman ang iyong second group or third group, pero timeout muna para mabigyan sila ng instructions?
‘Di ba puwedeng mag-timeout para mag-design ng mga plays na gusto mong subukan in preparation para sa susunod na laro o sa susunod na kalaban?
‘Di ba puwedeng mag-timeout baka kailangan talagang mahinto ang laro upang maipahinga ang mga pagod na players?
‘At marami pang puwedeng ibang dahilan.
- Latest