Matapos maka-gold sa Cape Town Jr. Netfest Eala mas aangat pa
MANILA, Philippines — Inaasahang muling aangat sa world rankings si Alexandra Eala matapos magkampeon sa prestihiyosong 2019 JA Cape Town juniors tennis tournament na ginanap sa Kelvin Grove tennis courts sa Rondbesoch sa Cape Town, South Africa.
Kasalukuyan itong nasa ika-92 puwesto sa International Tennis Federation (ITF) girls junior rankings tangan ang 497.25 combined points sa singles at doubles.
Sa Cape Town tournament na isang Grade A event, nakakuha si Eala ng 500 puntos sa kanilang girls’ singles title habang madaragdagan pa ito ng 140 puntos sa pagpasok sa semifinals ng girls’ doubles.
Nasungkit ng fourth seed na si Eala ang kampeonato matapos ilampaso si top seed Linda Fruhvirtova ng Czech Republic sa pamamagitan ng 6-3, 6-3 demolisyon sa championship round.
Ito ang unang major title ni Eala sa taong ito matapos ang dalawang runner-up finishes sa dalawang international juniors tournament sa New Delhi at Kolkata sa India noong Enero.
Nasilayan din sa aksiyon si Eala sa main draw ng US Open juniors championship kamakailan kung saan umabot ito sa girls’ singles second round ng naturang grand slam event.
Nahasa ng husto ang 14-anyos American International School of Mallorca stundet na si Eala sa Rafael Nadal Academy sa Spain kung saan hinahawakan ito ng beteranong mentor na si Daniel Gomez.
Bahagi si Eala ng national junior tennis team na nagtapos sa ikalimang puwesto sa ITF World Juniors Finals na ginanap sa Prostejov, Czech Republic noong Agosto.
- Latest