Marinero, BRT-St. Clare asam ang Finals
MANILA, Philippines — Tangkang maitakda agad ng Marinerong Pilipino at BRT Sumisip Basilan-St. Clare ngayon ang umaatikabong duwelo sa Finals kung makukumpleto nila ang pagwalis sa TIP at CEU, ayon sa pagkakasunod, sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League Foundation Cup best-of-three Final Four sa Paco Arena sa Maynila.
Sasandal ang Skippers at Saints – parehong wala pang galos mula eliminasyon – sa kumbinsidong panalo nila sa Game 1 noong nakaraang Huwebes na hangad nilang maduplika ngayong Game 2 upang makaabante na sa best-of-three Finals ng prestihiyosong 14-team D-League tourney.
Unang sasabak sa askyon ang Marinero na sasakay sa 98-80 Game 1 win kontra sa Engineers upang makumpleto na ang 2-0 sweep sa 1:30 ng hapon na susundan naman ng banggaang St. Clare at karibal na CEU sa 3:30 ng hapon.
Umiskor ng 86-70 tagumpay ang St. Clare sa CEU noong Game 1 kaya’t nakalapit ng isang panalo mula sa matagumpay na paghihiganti sa parehong koponan na nagpauwi sa kanila sa Final Four noong nakaraang conference.
“Masaya dahil nakuha namin yung Game One pero kailangan pa rin trabahuhin ang Game Two dahil ‘di pa tapos ang series,” ani Marinerong Pilipino head coach Yong Garcia na ayaw magkumpyansa kontra TIP sa kabila ng kanilang dominanteng panalo sa Game 1. “Kailangan pa ng corrections dahil noong third quarter, medyo nag-relax kaya nakadikit sila.”
Aasa si Garcia sa star guard nitong si Eloy Poligrates kasama pa ang ibang beteranong sina Mark Yee, JR Alabanza, Dan Sara at Jhonard Clarito gayundin ang mga bagong hugot na sina Byron Villarias, Santi Santillas at Allan Mangahas.
Haharang sa kanila sina Papa Ndiaye, Bryan Santo at Ivan Santos ng Engineers na hangaring makapuwersa ng rubber match Game 3.
Kagaya ng Marinero, parehong misyon na makaabante na sa Finals ang gustong matupad ng St. Clare ayon kay head coach Stevenson Tiu.
- Latest