Nalaglag si Palicte
MANILA, Philippines – Nalagasan na naman ang national boxing team matapos yumuko si James Palicte sa first round ng men’s light welterweight (63 kgs.) sa 2019 AIBA World Boxing Championships na ginaganap sa Yeka-terinburg, Russia.
Lumasap si Palicte ng 0-5 unanimous decision loss kontra kay Jose Manuel Wafara ng Colombia.
Nakuha ng Colombian ang 29-28, 29-28, 29-28, 29-28, 30-27 desisyon mula sa limang hurado.
Si Palicte ang ikalawang miyembro ng Pinoy squad na namaalam sa kontensiyon.
Nagdesisyon ang coaching staff na huwag nang palaruin sa second round si Southeast Asian Games gold medallist John Marvin sa men’s light heavyweight (81 kgs.) class matapos magtamo ng cut sa ibabaw ng kilay.
Kaya naman maiiwan kina Carlo Paalam, Ian Clark Bautista at SEA Games champion Eumir Felix Marcial ang pag-asang makasungkit ng medalya sa naturang world meet na nilahukan ng mahigit 300 boxers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sasalang si Paalam sa men’s flyweight class (52 kgs.) laban kay Istavan Izaka ng Hungary ngayong araw habang aariba naman si Bautista kontra kay Mirko Jehiel Cuello ng Argentina sa men’s featherweight (57 kgs.) division.
Target naman ni Marcial na masundan ang kanilang opening-round win kay Bryan Angulo ng Ecuador sa pakiki-pagtipan nito kay second seed Tarik Allali ng Morroco sa men’s middleweight (75 kgs.).
- Latest