Nationals nawala ang tiket sa Olympics
GUANGZHOU, China -- Humulagpos sa Gilas Pilipinas ang automatic berth para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Ito ay matapos ang 67-86 kabiguan ng Nationals laban sa Tunisia sa classification phase at ang 77-73 panalo ng China kontra sa Korea sa 2019 FIBA World Cup dito.
Ito ang ikalawang panalo ng host country sa apat na laro para angkinin ang nag-iisang automatic spot sa 2020 Tokyo Olympics.
Sa kabila nito ay may tsansa pa ang Pilipinas na makakuha ng tiket sa Tokyo Games ito ay sa pamamagitan ng pagsabak sa Olympic Qualifying Tournament (OQT) sa susunod na taon.
Ang pangunahing 16 teams sa 2019 FIBA World Cup ang makakasama sa walong wildcard teams sa OQT kung saan apat na puwesto ang paglalabanan para sa 2020 Olympic Games.
Samantala sa Foshan, tinalo ng No. 25 Poland ang Russia, 79-74, papasok sa quarterfinals, habang giniba ng Argentina ang Venezuela, 87-67, tampok ang 25 at 15 points nina Gabriel Deck at Luis Scola, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang World Cup quarterfinals ng Argentina matapos masibak noong 2014.
Pinamunuan ni Michael Carrera ang Venezuela mula sa kanyang 19 points.
Kapwa may 4-0 baraha ang Poland at Argentina papasok sa round-of-eight.
Umiskor si Adam Waczynski ng 18 points kasunod ang 14 markers ni Mateusz Ponitka para sa Poland, huling naglaro sa FIBA World Cup noong 1967.
“It’s a great feeling but we don’t want to stop,” sabi ni Poland guard Lukasz Koszarek.
Nagmartsa rin patungo sa quarterfinals ang Serbia at Spain.
Sa Wuhan, minasaker ng Serbia ang Puerto Rico, 90-47, at tinalo ng Spain ang Italy, 67-60.
Tumipa si Nemanja Bjelica ng 18 points kasunod ang 16 at 14 markers nina Boban Marjanovic at Nikola Jokic, ayon sa pagkakasunod, para sa No. 4 Serbia.
Binanderahan ni David Huertas ang Puerto Rico mula sa kanyang 11 points.
Kumamada naman si Juan Hernangomez ng 16 points para sa panalo ng Spain laban sa Italy.
- Latest