Marcial babandera sa AIBA meet
MANILA, Philippines — Limang matitikas na miyembro ng national boxing team ang isasabak ng Pilipinas sa 2019 AIBA World Boxing Championships na idaraos sa Setyembre 7 hanggang 22 sa Yekaterinburg, Russia.
Pangungunahan nina reigning Southeast Asian Games gold medalists Eumir Felix Marcial (men’s 75kg.) at John Marvin (men’s 81kg.) ang kampanya ng pambansang koponan sa torneong lalahukan ng mahigit 50 bansa.
Maliban sa gintong medalya sa SEA Games, parehong may pilak na medalya sina Marcial at Marvin sa ASBC Asian Confederation Boxing Championships.
Sasalang din sina Carlo Paalam (men’s 52 kg.), Ian Clark Bautista (men’s 57 kg.) at James Palicte (men’s 63 kg.) na susuntok sa kani-kanilang dibisyon.
Nakasungkit si Paalam ng tansong medalya noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia at dating bronze medalist noong 2016 AIBA Youth World.
Sa kabilang banda, nakasungkit si Bautista ng ginto sa Subic Bay 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships at tanso naman sa Bangkok 2019 ASBC Asian Confederation Boxing Championships.
Si Palicte ay gold medalist sa Subic Bay 2013 ASBC Asian Confederation Youth Boxing Championships.
Ilang Pinoy pugs ang sumalang sa Strandja Memorial Tournament, Indian Open International Boxing Tournament at Thailand Open International Boxing Tournament.
Bahagi ito ng paghahanda ng koponan para sa 2019 SEA Games na gaganapin sa Pilipinas sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sumuntok ng tansong medalya si Rogen Ladon noong 2015 AIBA World Boxing Championships sa Doha, Qatar.
Umaasa ang Association of Boxing Alliances in the Philippines na maganda ang ipapakita ng koponan sa AIBA World.
- Latest