Trust me, Princess Eowyn markado sa Sampaguita Stakes Race
MANILA, Philippines — Dalawang Linggo pa bago ang malaking karera ay ineensayo na ang pitong malulupit na kabayo.
Ito’y dahil sa malaking premyong nakataya para sa unang kabayong tatawid sa meta sa ilalargang 2019 PHILRACOM Sampaguita Stakes Race sa darating na Setyembre 15 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
May guaranteed prize na P2 milyon kung saan hahamigin ng mananalong kabayo ang tumataginting na P1.2 milyon mula sa Philippine Racing Commission.
Inaasahang magiging markado sa laban ang Trust Me at Princess Eowyn na mga maganda ang ipinakitang takbo sa kanilang huling laban.
Makakalaban ng Princess Eowyn at Trust Me ang Heiress Of Hope, Cerveza Rosas, Doktora, El DeBarge at Good Voyage sa event na may distansyang 1,800 meter race.
Tatanggap ng P450,000 at P250,000 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod, habang P100,000 ang iuuwi ng pang-apat.
Makokopo naman ng breeder ng winning horse ang P70,000.
Papasanin ng Heiress Of Hope ang 54kgs, 53kgs ang Cerveza Rosas at Good Voyage habang 52kgs na ang iba.
Samantala, bago ang nasabing derby ay ikakasa muna ang 2019 PHILRACOM “Four-Year-Old & Above Open Stakes Race” sa September 8 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Tulad sa Sampaguita race ay puspusan na rin ang mga trainers at jockeys sa paghahanda ng kanilang pangarerang kabayo.
Walong kabayo ang nominado sa karerang may distansyang 1,750 meters at nakalaan ang P500,000 guaranteed prize.
Una sa listahan ang Hitting Spree at tiyak na nakatutok dito ang mga liyamadista.
Impresibo ang panalo ng Hitting Spree sa huling laban nito matapos sungkitin ang korona sa 11th “Mayor Ramon D. Bagatsing Sr.” - Resorts World Manila (Challenge of Champions Cup) noong nakaraang Linggo sa pista ng San Lazaro.
Kasama sa listahan na mga sasali ang Gomper Girl, Manalig Ka, Messi, Pangalusian Island, Sooner Time, Truly Ponti at 2018 3rd Leg Triple Crown ruler Victorious Colt.
Kukubrahin ng unang kabayong tatawid sa meta ang P300,000, hahamigin naman ng second placer ang P112, 500, habang mapupunta sa third at fourth ang P62,500 at P25,000, ayon sa pagkakasunod.
Ibubulsa ng breeder ng winning horse ang P15,000.
Nagtala ang Hitting Spree ng 1:51 minuto sa 1,750 meter race upang manalo nang banderang tapos sa nakaraang laban.
- Latest