Wells makakatuwang si Prosper sa Terrific 12
MANILA, Philippines — Itatambal ng San Miguel kay import Dez Wells si dating Columbian reinforcement Lester Prosper para sa kanilang pagsabak sa darating na Terrific 12 East Asia Super League sa Macao sa Setyembre 17 hanggang 22.
Kinuha ng Beermen ang 6-foot-8 na si Prosper para punan ang maiiwang trabaho ni five-time PBA MVP June Mar Fajardo na magiging bahagi ng Gilas Pilipinas sa kampanya sa 2019 FIBA World Cup sa China.
Ang 6’5 na si Wells ang inaasahang ipaparada ng San Miguel sa 2019 PBA Governor’s Cup na didribol sa Setyembre 20.
“He has an outside shot, he can penetrate and he can pass,” paglalarawan ni Beermen head coach Leo Austria kay Wells, hindi napili noong 2015 NBA Draft at naglaro sa NBA D-League pati na sa Greek at Italian leagues.
Maliban sa San Miguel, naghari sa nakaraang PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup, ay lalahok din sa Terrific 12 ang TNT Katropa at Blackwater.
Makakaharap ng Beermen, Tropang Texters at Elite ang mga pro basketball squads ng China, Japan at South Korea.
Unang makakatapat ng SMC franchise ang Shenzhen Aviatiors sa Setyembre 17 kasunod ang defending champions Ryukyu Golden Kings sa Setyembre 19 sa pagtatapos ng preliminaries at kung maganda ang ipapakita ni Wells ay tuluyan na siyang gagamitin ng Beermen sa PBA Governor’s Cup.
- Latest