Playoffs tangka ng CEU Scorpions
MANILA, Philippines — Makasipit na rin ng playoff spot sa Group A ang pakay ng CEU ngayon kontra sa iWalk sa umiinit na 2019 PBA Developmental League Foundation Cup sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Magaganap ang banggaan sa alas-1:30 ng hapon para hangaring masundan sa playoffs ng Group A ang Marinerong Pilipino (4-0).
Nasa 3-0 kartada ngayon, hangad din ng Scorpions na mapalakas ang twice-to-beat advantage bukod sa pagsikwat sa playoff ticket kung maipagpag ang Chargers.
Upang magawa ito ay sasandal si head coach Derrick Pumaren sa kanilang bentahe sa bilis bilang mas batang koponan.
“We are a young team. But as long as we outwork iWalk, I see no problem,” ani Pumaren matapos ang 86-77 panalo kontra sa AMA Online Education noong nakaraang linggo.
Tatrangko sa atake ng Scorpions sina Sene-galese big man Maodo Malick Diouf, Rich Guinitaran, Dave Bernabe, Franz Diaz at Mark Sunga na siyang bumandera sa kanilang runner-up finish sa likod ng kampeon na Cignal-Ateneo noong nakaraang conference.
Bagama’t paborito dahil sa intact cham-pionship core, hindi magiging ganoon kadali ang pag-akyat ng CEU sa playoffs lalo’t beteranong iWalk ang kanilang makakasagupa sa gabay ng dating PBA player at ngayon ay mentor na si Jonas Villanueva.
Matapos kasing matalo sa debut nito kontra AMA, nakuha na ng Chargers ang porma nito nang magposte ng dalawang sunod na panalo kabilang na ang 113-103 comeback win kontra sa Nailtalk-Savio mula sa 23 puntos na pagkakaiwan.
“We’re a veteran team so we’re banking on our experience to be of our advantage against CEU,” ani Villanueva na aatasan sina ex-pros Jerick Canada, Jaypee Belencion and Allan Mangahas gayundin ang amateur standouts na sina Axel Inigo, Jasper Parker, Wowie Escosio, Ryusei Koga at Bernie Bregondo upang giyahan ang misyon nila sa ikatlong sunod na panalo.
- Latest