Porter nagpapansin kay Pacquiao
MANILA, Philippines — Hindi pa man naikakasa ang laban ay nagyabang na si two-time world welterweight champion Shawn Porter na kaya niyang pataubin si reigning World Boxing Association (WBA) super welterweight champion Manny Pacquiao.
Ayon kay Porter, gagamitin niyang armas ang parehong estilong ginamit ni Mexican fighter Juan Manuel Marquez laban kay Pacquiao sa kanilang huling paghaharap noong Disyembre 8, 2012 sa Las Vegas, Nevada.
Magugunitang naitarak ni Marquez ang sixth-round knockout win kay Pacquiao – ang pinakamasaklap na kabiguang tinamo ng Pinoy champion sa kanyang boxing career.
“You know, I just think I know what it takes to beat Manny. I think we saw a small glimpse to that when JuanMa (Marquez) knocked him out. I think I kind of have that recipe already, so I think I know what to do,” wika ni Porter sa panayam ng EsNews.
Isa si Porter, ang reigning World Boxing Council welterweight titlist, sa mga kandidatong makalaban ni Pacquiao sa kanyang susunod na pagtuntong sa ring.
Ngunit lalabanan muna niya si International Boxing Federation king Errol Spence sa Setyembre 28 sa Staples Center sa Los Angeles, California.
Inaasahang personal na manonood si Pacquiao sa naturang laban na posibleng bahagi ng scouting nito.
“We’ll see. I might go into the fight and watch the fight on September,” ani Pacquiao sa kaniyang mga naunang panayam.
Naniniwala naman si Marquez na magandang makaharap ni Pacquiao si Porter na nagtataglay ng kakaibang lakas na nababagay sa boxing style ng Pambansang Kamao.
“Shawn Porter, maybe he’s good opponent for Pacquiao,” ani Marquez.
Kabilang din sa mga kandidato sina WBC silver welterweight champion Danny Garcia na galing sa seventh-round knockout win kay Adrian Granados noong Abril at Mikey Garcia na nagmula naman sa unanimous decision loss kay Spence noong Marso.
Ngunit pangunahing nasa radar ng Team Pacquiao ang rematch kay American fighter at retirado nang si Floyd Mayweather Jr.
- Latest