Nais umangat ng Cignal
MANILA, Philippines — Susubukan ng Cignal HD Spikers na makabawi at muling makaangat habang puntirya naman ng PLDT Home Fibr Power Hitters na masundan ang panalo sa 2019 Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayon sa Muntinlupa Sports Center.
Maghaharap sa main game ang dalawang tropa bandang alas-7 ng gabi.
Galing sa five-set na pagkatalo ang HD Spikers noong Sabado kontra sa Generika-Ayala Lifesavers, 24-26, 25-19, 24-26, 25-18, 14-16 kung saan nanatili ang tropa sa ikaanim na puwesto sa bitbit 6-6 na baraha.
Nagrehistro ng triple-double si Filipino-Hawaiin Alohi Robins-Hardy na may 15 puntos, 30 excellent sets at 23 digs sa larong ito pero hindi ito sapat para mabawian ang Lifesavers.
Muling mangunguna para sa HD Spikers ni coach Edgar Barroga, sa huling dalawang laro nito sa classification round, ang mga national pool member na sina Mylene Paat at Robins-Hardy katuwang sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga.
Sasamantalahin naman ng Power Hitters ang momentum na bitbit nila matapos ang three-straight victory nito kontra sa Marinerang Pilipina, 25-16, 25-23, 25-20 nito ring Sabado.
Mas lalong napatatag ng mga bata ni coach Roger Gorayeb ang kapit nito sa sixth place ng standings hawak ang 4-7 na win-loss record.
Babandera para sa Power Hitters sina Gretchel Soltones, Aiko Urdas, Jerrilli Malabanan, Jasmine Nabor at Gen Casugod sa nalalapit na pagtatapos ng eliminations.
Sa pagtatapos ng classification round na ito ay didiretso ang lahat ng tropa sa knockout quarterfinals kung saan ang pairing ay rank 1 vs. 8, rank 2 vs. 7, rank 3 vs. 6 at rank 4 vs. 5.
Magbabakbakan naman bandang alas-4:15 ng hapon ang defending champions na Petron Blaze Spikers at wala pang panalong Marinerang Pilipina Lady Skippers.
- Latest