8-sunod na panalo ang Petron
MANILA, Philippines — Naiposte ng Petron Blaze Spikers ang ikawalo nitong sunod na panalo matapos walisin ang Sta. Lucia Lady Realtors, 25-13, 25-10, 25-13 sa 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Dinomina nang husto ng Blaze Spikers ang laro at tinambakan ang Lady Realtors sa tatlong set na umabot lamang ng isang oras at 18 minuto at ma-ging sa service line ay nagreyna rin ang mga ito.
Sunud-sunod ang pagpapakawala ng malulupit na palo ni Sisi Rondina na nagrehistro ng 22 puntos sa likod ng 18 attacks, tatlong blocks at isang ace na talaga namang nagpahirap sa depensa ng Sta. Lucia.
“Lagi lang namin iniisip ‘yung mga sinasa-bi ng coaches, ‘yun nga huwag maging complacent kasi hindi pa tayo nanalo and dumadaan ang laro sa tatlong set, limang set,” sabi ni Rondina. “Kailangan ninyong ilabas kung ano ‘yung mga tinuturo ni coach, kailangan naming mag-connect as a team and siyempre para hindi ma-waste ‘yung mga pinaghirapan namin.”
Mas lalong napatatag ng Blaze Spikers ang kapit nito sa second spot sa team standing hawak ang 9-1 win-loss record.
Hindi nasundutan ng Lady Realtors ang three-set victory nito noong nakaraang linggo at sumadsad bitbit ang 2-11 na kartada.
Bumida naman para sa Lady Realtors sina Rachel Austero at Amanda Villanueva na pumalo ng tig-pitong puntos.
Sa kasalukuyang standing ngayon maari ring makaharap ng Blaze Spikers ang Lady Realtors sa quarterfinals kaya’t magandang paghahanda ang larong ito.
Kasalukuyan naman naglalaro kagabi sa second game ang tournament leader na F2 Logistics at kulelat na Marinerang Pilipina habang sinusulat ang balitang ito.
- Latest