Coach Patrick Aquino tiwala sa Gilas women’s team
MANILA, Philippines — Bigo mang manalo sa katatapos lang na William Jones Cup stint, tiwala si head coach Patrick Aquino na may ibubunga pa ring maganda ang kanilang karanasaan doon sa susunod na mas mahahalagang torneo.
Una na rito ang nalalapit na 2019 Southeast Asian Games sa Nobyembre na gaganapin dito sa bansa kung saan malaki ang tiwala niya na may kakayahan at kahandaan na ang Filipinas na maibulsa ang mailap na gintong medalya.
“It’s our first time joining the Jones Cup and it was a good experience for us. With that added exposure, I think we will be much better now, we will be more prepared and ready to get this gold this time,” ani Aquino sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon sa Amelie Hotel sa Maynila.
Walang naipanalo maski isang laro ang mga Pinay nang yumukod sa New Zealand (72-106), Japan (82-85), Chinese Taipei A (91-99), South Korea (80-92) at Chinese Taipei B (83-92) subalit ayon kay Aquino ay maituturing na tagumpay na ang kanilang mga pagkatalo na magsisilbing dagdag na aral pa sa mga susunod pang international tournaments kabilang na ang SEAG.
Sa naturang torneo rin kasi ay nakilatis nila ang apat na bagong recruits sa katauhan nina Kelli Hayes ng UCLA, Arnecia Hawkins ng Arizona State, Elisha Bade ng Sacramento State at Mei Lyn Bautista ng George Washington U.
Bagama’t isa lang mula sa apat na Fil-Am ang puwedeng maglaro sa isa pang sasalihang torneo ng Gilas women’s na FIBA Asia Womens’ Cup sa Setyembre, lahat sila ay maaaring sumalang sa SEAG na lalong magpapalakas sa tsansa ng Pinas na masungkit ang unang ginto sa SEAG women’s basketball.
- Latest