3 Pinoy pugs diretso sa 2nd round
MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng national boxing team ang awtomatikong umusad sa second round ng 2019 Thailand Open International Boxing Championship na ginaganap sa Bangkok, Thailand.
Kapwa nakahirit ng first-round byes sina Marvin Tabamo sa men’s flyweight (52 kg.), Marjon Pianar sa men’s welterweight (69 kg.) at 2014 World Championship silver medalist Nesthy Petecio sa women’s fea-therweight (57 kg.).
Haharapin ni Tabamo sa second round si Rajab Otokile Mahommed ng Botswana habang hihintayin ni Pianar ang mananalo kina Wuttichai Masuk ng Thailand at Bikash Lama ng Nepal.
Nakaabang din si Petecio sa mananaig kina Tumurkhuyag Bolortuul ng Mongolia at Chandrakala Thapa ng Nepal.
Sasalang din sina Carlo Paalam (men’s light flyweight, 46-49 kg.), Sugar Rey Ocana (men’s light welterweight, 64 kg.), John Marvin (men’s light heavyweight, 81 kg.), Ian Clark Bautista (men’s bantamweight, 56 kg.), Jeorge Rey Edusma (men’s lightweight, 60 kg.) at Irish Magno (women’s flyweight, 51 kg.) .
Sasagupain ni Paalam si Wuttichai Yurachai ng Thailand, habang titipanin ni Ocana ang isa pang Thai na si Atichai Phoemsap at aarangkada si Marvin laban kay Assaghir Mohammaed ng Morocco.
Asam ang unang panalo nina Bautista kay Muhamad Hafiz Ahamag ng Singapore, Edusma laban kay Khunatip Pidnuch ng Thailand at Magno laban kay Nguyen Thi Tam ng Vietnam.
Base sa statement ng organizers, magkakamit ng premyong $1,500 ang mananalo ng gintong medalya, habang bibigyan naman ng $750 ang silver medalist at $500 ang bronze medalist.
May $300 ang quarterfinalist, $200 ang matatalo sa second round at $100 ang matatalo sa first round.
Gagawaran ng tumataginting na tig-$5,000 ang Best Men’s Team at Best Women’s Team sa torneong may basbas ng Asian Boxing Confederation.
Ang pagsabak ng national team sa nasabing event ay bahagi ng paghahanda nila sa 2019 Southeast Asian Games na idaraos sa Pilipinas sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
- Latest