Mighty Sports sasagupa sa Indons
MANILA, Philippines — Magbabalik sa aksyon ang Mighty Sports laban sa Indonesia sa hangaring mapalakas ang tsansa sa korona ng 41st William Jones Cup sa Changhua County Gymnasium sa New Taipei City, Taiwan.
Sisiklab ang laro ngayong alas-3 ng hapon kung saan pakay ng Mighty Sports na mapanatili ang malinis na kartada para makalapit sa asam na titulo ng prestihiyosong Asian invitational tournament.
Nagsosolo sa tuktok ng nasabing eight-team tournament ang koponan hawak ang 5-0 kartada at tatlong panalo na lang mula sa pagkumpleto ng sweep na kanilang nagawa noong 2016.
Nagtala ang Mighty Sports ng 22. 2-point winning margin kontra sa Iran (98-72), Jordan (90-76), Japan (94-59) at Canada (116-87).
Noong Martes ay nahirapan ang Mighty Sports kontra sa South Korea bago umeskapo tangan ang dikit na 89-82 panalo.
Inaasahang babalik sa dating bangis ang mga bataan ni head coach Charles Tiu lalo’t kagagaling lang nila sa two-day break mula sa laban kontra sa SoKor.
Inaasahang mamumuno sa atake ng Mighty Sports sina resident PBA imports Renaldo Balkman at Eugene Phelps kasama sina imports McKenzie Moore, Hamady N’Diaye, Zach Graham at locals Mikey Williams, Jason Brickman, Roosevelt Adams, Joseph Yeo, Jeremiah Gray at Gab Banal.
- Latest