Power Builders sinibak ang Water Defenders
MANILA, Philippines — Puno ang baterya ng Motolite nang iselyo ang pahirapang 23-25, 23-25, 25-14, 25-14, 15-12 panalo laban sa BaliPure Water Defenders para mapalakas ang kanilang pag-asa sa semifinal round ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Halimaw si American import Channon Thompson na nagsumite ng 27 points tampok ang 22 attacks, 3 blocks at 2 aces kalakip ang 15 receptions at 8 digs upang buhatin ang Power Builders sa ikatlong panalo sa walong laro.
Nagparamdam din kanyang kamandag si Krystel Esdelle nang bumira ng 20 attacks, 2 aces at 2 blocks, habang naglista naman ng tig-pitong puntos sina Ai Gannaban at Isa Molde sa larong tumagal ng dalawang oras.
Muling nasilayan sa aksyon si team captain Myla Pablo na nagtala ng apat na puntos sa kanyang paglalaro sa buong second set.
Wala pa ring panalo ang Purest Water Defenders para tuluyang mamaalam sa kotensyon hawak ang 0-8 marka.
Nagsumite si Danijela Dzakovic ng 18 markers, samantalang may 15 hits naman si skipper Grace Bombita at nagdagdag ng 12 points si Alexandra Vadjova.
Halos pantay ang dalawang koponan sa service area kung saan may walong aces ang Power Builders at anim naman ang Water Defenders.
May 33 errors ang Motolite at 32 naman ang BaliPure.
Subalit nagkaalaman sa blocking department nang umiskor ng 13 ang Power Builders kumpara sa anim ng Water Defenders.
Humataw din ng 58-45 abante ang Motolite sa attacks.
Magpapatuloy ang aksyon ngayong araw sa Biñan, Laguna tampok ang duwelo ng Motolite at BanKo Perlas sa alas-4 ng hapon at ang bakbakan ng Pacific Town-Army at PetroGazz sa alas-2 sa Alonte Sports Center.
Hangad ng Power Builders na isunod ang Perlas Spikers sa kanilang mga naging biktima.
- Latest