Cignal-Ateneo nagpakita ng lakas
MANILA, Philippines — Pinatunayan ng Cignal-Ateneo ang kalibre nito bilang bigating paborito kontra sa pilay na CEU matapos ang madaling 101-66 panalo sa Game 1 ng kanilang 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Developmental League best-of-five Finals series kahapon sa The Arena sa San Juan.
Matapos ang malamyang 7-10 simula, kumaripas ang Blue Eagles sa 47 puntos sa natitirang bahagi ng first half upang makapagtayo ng mala-king 54-31 abante papasok sa halftime break.
Hindi na lumingon pa ang Blue Eagles buhat noon at umalagwa pa ito hanggang sa 39 puntos, 76-37 sa ikatlong kanto tungo sa pinaka-tambak na tagumpay sa PBA D-League Finals history.
Trumangko sa atake ng Ateneo si Isaac Go na may 17 puntos, apat na rebounds at dalawang assists habang may 15 puntos at pitong rebounds naman si Thirdy Ravena sa parehong 17 minutong aksyon lamang.
Umiskor din ang 11 na iba pang manlalaro ng Ateneo para sa balanseng atake na bunga ng kanilang mahabang pahinga matapos walisin ang Valencia City Bukidnon -SSCR sa semifinals noong nakaraang linggo.
“We knew coming into the game that they’re coming off a tough series against St. Clare. We had more rest so we made sure to take advantage of that,” ani Ateneo assistant coach Sandy Arespacochaga.
“We knew that they’re playing with an eight-man crew so we just made sure to not take them for granted. We made sure that there’s no room for complacency on our side.”
Bigo namang mapagpatuloy ng CEU ang Cinderella run nito sa bigating Ateneo kahit pa kagagaling lang sa pambihirang three-game semi-final series na tinuldukan ng 89-72 panalo sa Game 3 kontra sa St. Clare College-Virtual Reality.
Nanguna sa CEU si Senegelase big man Maodo Malick Diouf na may 21 puntos, 11 rebounds, tatlong assists at apat na steals.
Nag-ambag din ng 13 at 12 puntos sina Jerome Santos at Rich Guinitaran para sa Scorpions na noong quarterfinals pa naglalaro nang may walong katao lang matapos ang pagkakasangkot ng walong iba pang manlalaro nito sa game-fixing scandal. (JBUlanday)
- Latest