Fernandez, Baldwin pararangalan
MANILA, Philippines – Dalawang pamilyar na pangalan sa coaching ang muling kikilalanin matapos tulungan ang kani-kanyang koponan na bumuo ng dinastiya sa NCAA at UAAP.
Ibibigay kina San Beda Red Lions head mentor Boyet Fernandez at Ateneo Blue Eagles chief tactician Tab Baldwin ang Coaches of the Year award sa 2019 Chooks-to-Go Collegiate Awards na idaraos sa Lunes sa Amelie Hotel Manila sa Malate, Manila.
Dinala ni Fernandez ang Red Lions sa ika-11 kampeonato sa nakalipas na 13 taon para iangat ang koleksiyon ng Mendiola-based squad sa 22 korona sa NCAA men’s basketball tournament.
Isang beses lang natalo ang San Beda sa Season 94 na tinuldukan nito ng 14-game winning streak kabilang ang matikas na pagwalis sa Lyceum of the Phi-lippines sa best-of-three championship series.
Ito ang ikalimang Coach of the Year award ni Fernandez para pantayan si dating Ateneo Blue Eagles head coach Norman Black sa pinakamaraming bilang ng pagkilala.
Sa kabilang banda, tatanggapin naman ni Baldwin ang ikalawang Coach of the Year trophy.
Binuhat naman ni Baldwin ang Blue Eagles sa kampeonato sa UAAP Season 81 men’s basketball tournament – ang ikalawang sunod at ika-10 sa kabuuan ng Ateneo sa liga.
Minanduhan din ni Baldwin ang Ateneo-Pilipinas sa fourth-place finish sa 2018 William Jones Cup na ginanap sa Taiwan. Ang Ateneo ang nag-iisang collegiate team sa torneo na sumabak laban sa national teams at clubs ng iba’t ibang bansa.
Bibigyang-pugay din ang UP Fighting Maroons na tinuldukan ang mahigit tatlong dekadang pagkauhaw ng tropa sa finals appearance.
Nagkasya lamang sa ikalawang puwesto ang Fighting Maroons matapos matalo sa Blue Eagles sa finals ngunit ito rin ang unang podium finish ng UP sa nakalipas na 32 taon.
Kasama rin sa listahan ng mga pararangalan sina Cherry Rondina (UAAP Volleyball Player of the Year), Regine Arocha (NCAA Volleyball Player of the Year), ang National University Lady Bulldogs (Award of Excellence), Angelo Kouame ng Ateneo at Javee Mocon ng San Beda (Pivotal Players) at sina CJ Perez ng Lyceum at Sean Manganti ng Adamson University (Impact Players).
- Latest