Barometer sa mga imports
Nagpasiklab kaagad si Terrence Jones sa kanyang unang laro pa lamang sa local pro league at iyon naman ang inaasahan dahil sa tangan niyang impresibong credential sa pagtugon ng imbitasyon na maging import ng TNT KaTropa.
Isa sa tatlo lamang na NBA draftees sa kasalukuyang PBA import roster, si Jones ang agad na lumutang na barometer dahil sa kanyang 41-point PBA debut na naghatid sa TNT sa 102-87 panalo kontra sa NLEX noong nakaraang gabi.
Mukhang madali kay Jones ang tumikada ng lagpas 50 points, pero minabuti ni coach Bong Ra-vena na ipahinga na ang kanilang premyadong import na lagpas limang minuto pa ang natitira sa laro.
Hindi na sinagad ni Ravena si Jones dahil may kasunod agad silang laro kontra sa Alaska Milk bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Bago pa magsimula ang PBA mid-season tourney, inasahan nang si Jones ang import to watch bilang US NCAA champ at six-season NBA ve-teran na hindi lang basta-basta NBA player. Naging starter siya sa Houston Rockets at dalawang season nag-average ng twin digits.
Ang concern ng TNT coaching staff ay kung makaka-adapt kaagad sa sistema ng koponan at agad makaka-adjust sa style ng PBA.
“Alam namin kaya niyang umiskor anytime in the game. Darating at darating sa kanya ‘yon. Pero ang gusto namin makita ay makatulong siya sa sistema namin sa team defense,” ani Ravena.
“So far, so good. At sana magtuluy-tuloy,” dagdag pa ni Ravena.
***
Papasok na sa knockout round ang SK sportsfest sa Bagbaguin, Valenzuela, at una sa umarangkada sa finale ang CKV team ni Kagawad Danny Cunanan sa super seniors division.
Undisputed champ noong kanilang kabataan, dominant team pa rin ang CKV team sa kanilang pagtanda. Solid pick sila na maidepensa ang korona sa pangunguna ng Callos brothers na sila Carlo, Ricky at Jock at matitikas na beterano na sina Kim Allan, Bobby Atenciana at Ernie “Igop” dela Cruz. Kasama rin sa koponan sina Undong dela Cruz, Galo Fabres, Nelson Francisco at Rene San Diego.
- Latest