Cariño magdedepensa ng titulo sa 10th Le Tour de Filipinas
MANILA, Philippines — Itataya ni El Joshua Cariño ang kanyang korona sa 10th edition ng Le Tour de Filipinas na papadyak sa Hunyo 14-18.
Si Cariño ay magiging miyembro ng national team na naghahanda para sa 30th Southeast Asian Games na nakatakda sa Nobyembre.
Pinagharian ni Cariño ang Le Tour noong nakaraang taon sa Burnham Park sa Baguio City para sa tropa ng Philippine Navy-Standard Insurance.
Siya ang naging ikatlong Filipino champion ng nasabing International Cycling Union race matapos sina Baler Ravina (2012) at Mark John Lexer Galedo (2014).
Makakasama ni Cariño sa nasabing five-stage Category 2.2 event na inorganisa ng Ube Media sina veterans Jan Paul Morales, Ronald Oranza, Junrey Navarra at Jhon Mark Camingao.
Samantala, ang iba namang miyembro ng national team ay papadyak para sa kanilang mga mother clubs kagaya nina Felipe Marcelo ng 7-Eleven Roadbike Philippines-Air21 (continental) at 2018 Le Tour Best Young Rider Daniel Ven Cariño ng Go For Gold (continental).
- Latest