May gameplan si Ancajas
MANILA, Philippines — Isang solidong gameplan ang ilalatag ni Jerwin Ancajas sa oras na makaharap si Ryichi Funai ng Japan sa kanyang pagdedepensa ng International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight title sa Linggo sa Stockton, California.
Ilang stratehiyang gagamitin nito ang isiniwalat ni Ancajas na isa lamang sa magiging armas niya laban sa Japanese boxer.
“Sa experience natin sa boxing, kapag hindi mo talaga matamaan sa mukha, sa katawan po ang target ko. Hindi naman kasi ‘yan iilag kaya nagko-concentrate ako sa katawan, doon ako nagdya-jab, straight dahil dun siya mas madaling tamaan,” wika ni Ancajas.
Tikom na ang bibig ni Ancajas sa iba pang plano nito.
Ngunit tiniyak ng Pinoy champion na ibubuhos nito ang lahat upang matagumpay na maipagtanggol ang kanyang korona.
Nais din ni Ancajas na bigyan ng magandang regalo ang Filipino community sa Amerika na darayo pa mula sa iba’t ibang panig ng bansa para suportahan ang kanyang laban.
“Ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sa mga kababayan natin na darating at manonood sa laban. Ibibigay ko ang lahat para makapagbigay ng magandang laban at mapasaya ko sila,” ani Ancajas.
Galing si Ancajas sa 17-bout winning streak bago magkasya sa draw laban kay Alejandro Santiago noong Setyembre 29, 2018 sa labang ginanap sa Oracle Arena sa Oakland, California.
Kasalukuyan itong may 30 panalo tampok ang 20 knockouts habang may dalawang draw ito at isang talo.
Desidido naman si Funai (31-7, 22 KOs) na hubaran ng korona si Ancajas.
Handa itong salagin anumang atake ang gagawin ng Pinoy fighter.
May sarili ring game- plan si Funai.
At ipinagmalaki nitong alam niya kung paano tatalunin ang left-handed na si Ancajas.
- Latest