Go For Gold may pa-tryout
MANILA, Philippines — Binuksan ng Go For Gold Philippines ang pintuan para sa mga nais mapasama sa kanilang mga alagang atleta mula sa iba’t ibang sports.
Inihayag ni Go For Gold godfather Jeremy Go noong Martes na magpapakarera sila at ang top male at female finishers ay aalukin ng kontrata para maging bahagi ng Team Go For Gold.
Sinabi ni Go na kailangang sumali ang mga aspirants sa anim na karera na sisimulan sa Go For Gold Sunrise Sprint-Cebu sa April 28, isang short distance triathlon tampok ang 750-meter open-water swim, 20km bike ride at 5km run.
“There is no shortcut toward success. But if your dream is to be part of Go For Gold Philippines, then this might be your time to shine,’’ sabi ni Go, vice president for marketing ng Powerball Marketing and Logistics Corp. na utak ng Go For Gold program.
Ang Cebu ang next stop para sa Go For Gold SBR PH Aquaman sa Vermosa Sports Hub sa May 19 kasunod ang Go For Gold SBR PH Duaman sa Nuvali sa June 16.
Nakatakda naman ang Go For Gold Sunrise Sprint sa Davao City sa July 7 bago ang Go For Gold SBR PH Triman-Clark sa July 28 at Go For Gold Sunrise Sprint-Subic sa Nov. 4.
Ipinaliwanag ni Go na ang 10 na may pinakamabilis na oras sa men at women sa SBR races at sa Go For Gold Sunrise Sprint open category ay mabibigyan ng katapat na points ayon sa kanilang pagtatapos.
“This program aims to encourage more young individuals to pursue excellence through sports,’’ sabi ni Go sa press conference sa Rudy Project sa Uptown BGC sa Taguig City.
Idinagdag pa niyang ang mga winners na ihahayag pagkatapos ng Nov. 4 race ay tatanggap ng professional contract na nagkakahalaga ng P100,000 bukod pa sa Storck bike at special na Go For Gold trophy. Sinusuportahan din ng Go For Gold ang cycling, sepak takraw, chess, wrestling, dragonboat at skateboarding.
- Latest