Balanga, Pasig 3x3 team kinapos
MANILA, Philippines — Kinapos ang dala-wang pambato ng Pilipinas sa katatapos lamang na 2019 FIBA World Tour Masters sa Doha, Qatar.
Ito ay sa kabila ng magilas na pagpapamalas nila sa elimination round kung saan winalis nila ang group phase upang makaabante sa quarterfinals ng Tour Masters sa pagitan ng pinakamagagaling na 3x3 ball clubs sa mundo.
Matatandaang sa unang araw ng two-day competition noong nakaraang linggo ay umiskor ng 2-0 sweeps ang parehong Pasig Chooks at Balanga Chooks.
Sa pangunguna ng Bataan, ginapi nila ang paboritong world no. 3 Riga Ghetto ng Latvia at no. 15 na Moscow Inanomo ng Russia upang pangunahan ang Pool C at makaabante sa quarterfinals.
Subalit tumirik sila sa QF nang ibaon ng world no.1 3x3 team na Liman ng Serbia, 9-21 upang masibak sa kontensyon.
Gayundin ang nalasap ng Pasig Chooks na ginantihan naman ng Riga Ghetto, 15-21 sa Round of 8 upang mamaalam din sa FIBA World Tour Masters.
Ito ay sa kabila ng masiklab din nilang simula sa eliminasyon kung saan pinangunahan din nila ang Pool A matapos ang panalo kontra sa home team na Katara ng Qatar at world no.1 na Liman.
Bagama’t kinapos, kuntento pa rin ang Pinas sa kampanya lalo’t umiskor ito ng malalaking panalo kontra sa world 3x3 powerhouses tulad ng Riga at Liman.
“We made a statement that we belong here in the World Tour,” ani Chooks Pilipinas 3x3 Commissioner Eric Altamirano.
Sa dulo ay nagkasya sa ikalimang puwesto ang Pasig Chooks sa pangu-nguna nina Joshua Munzon at Taylor Statham kasama ang imports na sina Angelo Tsagarakis at Nikola Pavlovic.
Nag-uwi sila ng $5,000 habang pumang-anim naman sina Pasaol, Santi Santillan, Karl Dehesa at Travis Franklin ng Ba-langa Chooks.
Ang Riga Ghetto naman ang nagkampeon sa naturang World Tour Masters matapos daigin ang Liman.
- Latest