UST Tigers ayaw madungisan
MANILA, Philippines – Itataya ng University of Santo Tomas (UST) ang imakuladang karta nito sa mapanganib na Petron-Colegio de San Juan de Letran sa pagpapatuloy ng 2019 PBA D-League ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang bakbakan ng Growling Tigers at Knights sa alas-12 ng tanghali habang maghaharap ang Metropac-San Beda at SMDC-NU sa alas-2 ng hapon kasunod ang engkuwentro ng Chadao-FEU at Perpetual sa alas-4.
Nag-uumapaw ang momento sa panig ng Growling Tigers na nakakapit sa solong pamumuno sa Aspirants Group hawak ang malinis na 4-0 marka.
Pinataob ng UST Tigers sa kanilang huling laro ang Go for Gold-College of Saint Benilde, 94-82 noong Marso 19.
Mahaba ang pahinga ng Growling Tigers na ginamit ni coach Aldin Ayo upang mas maging matalim ang pangil ng kaniyang bataan bago harapin ang Petron-Letran.
“Kilala ko itong Letran. Malakas na team din sila kaya kailangan talaga namin silang paghandaan,” ani Ayo.
Aasahan ng Growling Tigers sina rookie sensation Mark Nonoy, Rhenz Abando at Beninese forward Soulemane Chabi Yo para maipagpatuloy ang kanilang magandang ratsada.
Ang UST ang best scoring team sa liga tangan ang 103.25 points per game.
Nais naman ng Knights na makabawi sa 64-83 kabiguan sa kamay ng Cignal-Ateneo de Manila University noong Huwebes.
Kukuha ng puwersa si Petron-Letran coach Bonnie Tan kina scoring machine Alvin Pasaol, Jerrick Balanza at Larry Muyang para pagandahin ang kanilang 3-2 baraha.
- Latest