Urbiztondo tuluyan nang nagretiro
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nagretiro si point guard Josh Urbiztondo matapos ang makulay na karera sa PBA at ASEAN Basketball League (ABL).
Ito ang inihayag ng 36-anyos na si Urbiztondo kamakalawa sa isang social media post.
“After a long-thought decision and discussing with my wife, I have finally decided to hang ‘em up and retire from basketball,” wika ni Urbiztondo na maninirahan sa US kasama ang pamilya.
Dalawang taon naglaro ang tinawag na ‘Fireball’ sa ABL para sa Alab Pilipinas na nag-uwi ng ABL title noong 2018.
Nagrehistro si Urbiztondo ng mga averages na 5.4 points, 3.0 rebounds at 2.4 assists para sa Alab Pilipinas.
Nagtapos sa hindi inaasahan at maagang quarterfinal exit ang karera ni Urbiztondo at ng Alab bunsod ng 0-2 pagkawalis sa kanila ng Hong Kong.
Bago naglaro sa ABL ay nakilala muna si Urbiztondo sa PBA kung saan niya nakuha ang bansag na ‘Fireball’ dahil sa mga nagliliyab na three-point shots.
Hindi siya napili noong 2009 PBA Rookie Draft subalit nakuha ng Sta. Lucia Realtors na siyang naging simula ng kanyang PBA career.
Naglaro rin siya para sa Air21, Barako Bull, Ginebra at Phoenix at B-Meg kung saan siya nanalo ng kanyang nag-iisang PBA crown noong 2012.
Huli siyang naglaro para sa Globalport noong 2017 bago kinuha ng Singapore Slingers sa ABL at nang lumaon ay sa Alab Pilipinas.
- Latest