Pangatlo ng Arellano
NCAA Cheerdance Competition
MANILA, Philippines – Nasungkit ng Arellano University ang ikatlong sunod na korona matapos dominahin ang Season 94 NCAA Cheerleading Competition kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ipinakita ng Chiefs Squad ang husay sa mga sa-yaw sa 1990’s tungo sa pag-angkin muli sa titulo sa kabuuang 229.5 puntos.
Pumapangalawa pa rin ang nine-time champion University of Perpetual Help Perps squad sa kanilang 222.5 puntos habang ikatlo ang Mapua Cheerping Cardinals sa 211.5 puntos.
Tumapos lamang sa pang-apat ang Letran Lakas Arriba sa 207 puntos kasunod ang College of St. Benilde Pep Squad (203), San Beda University Red Corps (189), Jose Rizal University Pep Squad (178.5) at Emilio Aguinaldo College Pep Squad (170.5).
“Although mayroon din kaming minor errors, pero siyempre as a coach nakita ko pa rin naman ang heart of a champion team. Kung papaano nila pinerform kanina ang best nila kaya kami nakapag-champion pa rin,” sabi ni Lucky San Juan, ang head coach ng Chiefs Squad.
Bilang kampeon, tinangay ng Arellano University ang P100,000 top prize mula sa NCAA.
“Isa ito sa mga dream namin eh. At ito ang reward ng mga bata lalo na sa mga graduating students namin,” dagdag ni San Juan.
- Latest