CEU, Metropac mag-aagawan sa liderato
MANILA, Philippines — Magsasalpukan ang Centro Escolar University at Metropac–San Beda para sa solo liderato ng 2019 PBA Developmental League sa Paco Arena sa Maynila.
Nakatakda ang sagupaan ngayong alas-4 ng hapon kung saaan ikatlong sunod na tagumpay ang parehong hangad ng Scorpions at Movers upang masolo ang unahan.
Gayundin ang tatangkain ng isa pang walang talo na Valencia City Bukidnon–SSCR sa pakikipagtuos sa kulelat na SMCD–National University sa unang laro sa alas-2.
Parehong depensa ang sinandalan ng dalawang koponan sa kanilang unang dalawang laro sa torneo kaya’t siguradong magiging pukpukan ang naturang laban.
Nagbibigay lamang ng 70.5 points kada laro sa kanilang mga kalaban ang CEU para maging top defensive team sa D-League, habang nakabuntot ang San Beda na nililimitahan ang mga katunggali sa 72.5 points.
Ito ang dahilan kaya’t ayaw magkumpiyansa ni Scorpions mentor Derrick Pumaren kontra sa Movers ni eight-time D-League champion Boyet Fernandez.
“They are a tough team. Hopefully, we come out, show up, and step up to the challenge. This will be a good gauge for us kung nasaan na kami,” ani Pumaren na sasakay sa 90-65 na tagumpay kontra sa University of Perpetual noong nakarang linggo.
Gigiyahan ng Senegalese big man na si Maodo Malick Diouf ang atake ng Scorpions.
Subalit hindi papadaig ang San Beda na tatrangkuhan ni Cameroonian center Donald Tankoua kasama ang mga bagitong sina James Canlas at Evan Nelle.
Maganda ang ipinapakita ng dalawang San Beda players kasama ang mga beteranong sina Clint Doliguez at AC Soberano lalo’t nagsasanay pa ang koponan na maglaro na wala ang dalawang liders na sina Robert Bolick at Javee Mocon na nasa PBA na ngayon.
“I’m happy with the way they’re stepping up,” ani Fernandez. “The guys coming off the bench are stepping up and proving that they are capable of playing. That’s really our focus right now.”
Nagmula sa panalo ang San Beda matapos ang malaking 94-70 tagumpay laban sa Wangs Basketball.
- Latest