SMB-Alab haharap uli sa Formosa Dreamers
MANILA, Philippines — Hindi pa sigurado kung makakalaro ang Puerto Rican import na si Renaldo Balkman para sa San Miguel-Alab Pilipinas sa kanilang paghaharap sa pumapangalawang Formosa Dreamers ngayon sa pagpapatuloy ng 9th Asean Basketball League (ABL) sa Chang Hua City Stadium, Taiwan.
Maghaharap sa ikatlong beses ang dalawang top two teams ng home-and-away league sa alas-3 ng hapon kung saan babasagin nila ang 1-1 win-loss tabla sa unang dalawang pagtatagpo.
Nagwagi ang tropa ni coach Jimmy Alapag, 86-72 sa unang paghaharap noong Dec. 21 sa Sta. Rosa, Laguna ngunit bumawi naman ang Dreamers sa ikalawang pagtatagpo, 73-72 sa teritoryo ng Chinese team noong Enero 13 dahil sa ejection ni 7’3 PJ Ramos mahigit 7:45 pa ang natitira sa ikalawang yugto.
Samantala, malaki ang posibilidad na nagkaroon ng concussion ang 6’8 na si Balkman sa 101-96 panalo ng Alab Pilipinas kontra sa Macau Black Bears noong Biyernes ng gabi sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Nagreklamo ng pananakit sa ulo si Balkman matapos matamaan ni Mikh McKinney sa ikatlong yugto.
“We still need to get checked. He took a pretty good shot in the head. We are going to be cautious and we will see,” sabi ni Alapag pagkatapos ng laro.
Bagamat masakit ang ulo, naglaro pa rin si Balkman at tumapos siya ng 26 puntos, 11 rebounds at walong assists para manatili sa solo top spot ang SMB-Alab sa 18-4 win-loss slate.
- Latest