Cignal-Ateneo pinulbos ang Enderun
MANILA, Philippines — Wala pa ring talo ang Cignal-Ateneo matapos dagitin ang Family Mart–Enderun, 82-68, sa 2019 PBA D-League kahapon sa Paco Arena sa Maynila.
Nanguna para sa Blue Eagles si Tyler Tio na nagtala ng 20 points, 5 assists at 2 rebounds.
Katorse sa kanyang kabuuang puntos ang pinakawalan ni Tio sa fourth quarter kung saan lumayo nang tuluyan ang Ateneo sa 79-60 patungo sa ikalawang sunod na tagumpay matapos nilang ibaon ang nagdedepensang Go For Gold-St. Benilde, 103-75, noong nakaraang linggo.
Umalalay naman kay Tio ang Ivorian center na si Angelo Kouame sa kanyang 20 points, 8 rebounds, 5 blocks at 2 assists para sa Blue Eagles na naghahanda sa ‘three-peat’ bid nila sa UAAP Season 82.
Solido rin ang ambag ni big man Willie Navarro na nagtala ng 9 markers, 15 rebounds at 3 assists para sa Katipunan-based squad na naglalaro na wala ang pambato nilang si Thirdy Ravena.
Nasa biyahe pa sa kasalukuyan si Ravena pabalik ng bansa bilang bahagi ng 14-man Team Pilipinas na winalis ang sixth at final window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
“Enderun got the jump in the beginning. But our defense kicked in after first quarter. Offensively, we don’t ask a lot right now, but Tyler did a good job, Ange pulled some boards, and Will Navarro did a good job for our guys. I’m happy that we got the win,” ani Ateneo coach Tab Baldwin.
Sa kabilang banda, umariba naman sa 27 points si Valandre Chauca mula sa 5-of-11 three-point shooting sahog pa ang 5 rebounds at 3 assists para sa baguhang Enderun.
- Latest