Iba talaga si Caidic
MANILA, Philippines — Dalawang dekada na ang nakalipas buhat nang magretiro ang ‘The Triggerman’ na si Allan Caidic.
Subalit maging ang panahon ay di kayang kalawangin ang isa sa pinakamagaling na shooter hindi lamang sa Pilipinas kundi gayundin sa Asya.
Pinatunayan ito ng 55-anyos na si Caidic kamakalawa ng gabi nang magliyab muli ang mga kamay sa 97-89 panalo ng San Miguel Beer kontra sa karibal na Alaska sa klasikong dwelo ng mga championships kings sa ginanap na Philippine Basketball Association (PBA) Legends game na binansagang ‘Return of the Rivals’ sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon kay Caidic, bunga ito ng kanyang patuloy na pagsagot sa mga inaasahan ng tao sa kanya kahit retirado na siya simula pa noong 1999.
“‘Yun mahirap eh, ‘yung expectation sayo ang taas, pag di mo na-meet, madi-disappoint ‘yung mga tao,” ani Caidic na pumutok sa game-high na 26 puntos sa likod ng anim na tres.
‘Kaya on our part, pressured din kami. Imagine, I’m 55 already but yung expectations ng tao, ganun pa rin dapat eh.”
Ang kaliweteng si Caidic ang may hawak ng ilang hindi mabiyak-biyak na all time records sa 43-taong kasaysaysan ng liga katulad na lamang ng pinakamara-ming puntos (79) at pinakamaraming tres (17) sa isang laro gayundin ang pinakamaraming puntos sa isang quarter (37) at isang half (53) na ginawa niya lahat sa 162-149 tagumpay ng Presto kontra sa Ginebra noong 1991.
Bagama’t matagal nang retirado, nitong nakaraang taon lang ay ipinasilip ulit ni Caidic ang kanyang husay sa beyond the arc nang umiskor ng pambihirang 142 puntos sa likod ng makasaysayang 46 na tres sa isang exhibition match sa Candon, Ilocos Sur.
- Latest